PNR Estasiyon ng Tutuban (Maynila) | Pang-kasaysayan, Estasiyon ng Tren, railway depot (en)

Philippines / National Capital Region / Manila / Maynila / Dagupan
 Pang-kasaysayan, Estasiyon ng Tren, railway depot (en)

Una itong itinayo at pinamahalaan ng Manila Railways Company of London alinsunod sa pahintulot ng Hari ng Espanya sa mungkahi ni Eduardo Lopez Navarro noong ika-11 ng Mayo 1888. Itinayo ang unang haligi ng pangunahing gusali nito ika-31 ng Hulyo 1887. Noong ika-24 ng Marso 1891, binuksan ang unang bahagi ng biyaheng Manila-Dagupan na may habang 188 kilometro. Pinasinayaan ito noong ika-24 ng Nobyembre 1892.

Sa loob ng pananakop ng mga Amerikano, inilipat ang pagmamay-ari at pamamahala nito sa Manila Railroad Company of New Jersey. Alinsunod sa Batas Bilang 2574, binili ng nanunungkulang Gobernador Heneral ng Amerika dito sa Pilipinas ang lahat ng karapatan sa pag-aari ng daang bakal noong ika-4 ng Pebrero 1916. Sa panahong ito sinimulan ang biyahe mula San Fernando, La Union sa hilaga hanggang sa katimugan tungo sa Lungsod ng Legaspi sa Bicol.

Noong ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinasangkapan ng sandatahang lakas ng Hapones ang mga daang bakal ng bansa sa kanilang pakikipaglaban ngunit muli itong nakuha ng mga Amerikano noong Pebrero 1945. Inilipat naman ng mga Amerikano ang pamamahala nito sa pamahalaan ng Pilipinas noong unang araw ng Pebrero 1946. Sabay sa pagpasok ng mga makabagong makinarya noong 1956, sinimulan ang mga pagbabago sa pagpapatakbo sa daang-bakal. Naging Philippine National Railways, PNR, ito sa bisa ng Batas Pambansa Bilang 1156 noong ika-20 ng Hunyo 1964.

Noong 1988, pinag-aralan ng PNR ang posibilidad na paupahan ang 22 ektaryang lupa na pag-aari ng PNR sa Tutuban sa Claro M. Recto upang tumugon sa hamon ng kaunlaran at matulungang isulong ang pook na maging pusod ng pangangalakal. Pinagtibay ng PNR ang unang bahagi ng Master Development Plan ng Tutuban Properties, Inc (TPI) noong 1991 at hinirang ang huli bilang tagapamahala at tagapag-unlad ng lupain.

Alaala sa ating magiting na bayani, itinayo ang bantayog ni Andres Bonifacio noong ika-7 ng Hulyo 1992 sa mismong pook kung saan isinilang ang naturang bayani bilang paggunita sa kanyang nagawa sa bayan. Binuksan ang mga pangunahing gusali ng Tutuban Center sa pangunguna ni Pangulong Fidel V. Ramos.

Naging saksi ang mga sumunod na taon sa patuloy na pagsisikap ng Philippine National Railways Tutuban Properties, Inc. at ng pamahalaan ng Pilipinas na isulong ang pamamaraan ng paglalakbay sa pamamagitan ng muling pagsasaayos ng buong katipunan ng daang-bakal, paunlarin ang mga gusaling panlipunan at pangkabuhayan sa paligid ng Tutuban at panatilihin ang pagpapahalaga sa kasaysayan.

…isang hakbang ang bawat paglinang na katulad ng PNR Plaza upang patotohanan ang adhikain na buhaying muli ang buong katipunan ng daang-bakal bilang isang pamamaraan ng paglalakbay at pangangalakal.
Kalapit na mga lungsod:
Coordinates:   14°36'42"N   120°58'24"E
This article was last modified 5 taon ang nakalipas